Lunes, Nobyembre 14, 2011

Dapat repormahin ang Labor Code


Out of Order
By Raymond Burgos

Matinding karahasan na ang dinaranas ng mga miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) sa kanilang isinasagawang protest camp para humanap ng hustisya sa mga kasamahang nawalan ng trabaho dahil sa pag-outsource ng PAL management.
Naganap ang pinakamalalang harassment sa protest camp noong Oktubre 29 kung saan pitong PALEA members ang nasaktan nang salakayin sila ng mga goons ng PAL management na kanilang nakumpirma sa isang goon na kanilang nahuli at umamin na binayaran sila ng management para buwagin ang kanilang hanay.
Dahil dito ay umaapela ang PALEA sa House Committee on Labor na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente ng karahasan bilang bahagi ng isinasagawang congressio­nal inquiry sa PAL-PALEA labor dispute.
Bahagi ng panawagan ng PALEA ang pagsusulong ng mga reporma sa Labor Code kung saan nakasaad pa rin ang “free ingress and egress” sa mga nakawelgang pagawaan.
Nais din ng PALEA na mas mabigyan ng ngipin ang anti-scab law dahil na rin sa kanilang karanasan na upahang goons na taga-labas ang ginagamit ng PAL management para buwagin ang kanilang protest camp.
Outsourcing ang dahilan ng PAL sa pagtanggal sa mga regular na empleyado na nagtatrabaho sa airport services, call center reservation at catering department, pero ayon sa PALEA ay taktika lang ito ng management para pahinain ang kanilang unyon.
Lumalabas sa pag-aaral ng PALEA na mga “dummy” lang ng PAL ang mga dapat sana’y independent companies gaya ng Sky Logistics at Sky Kitchen na siya ngayong na­ngangasiwa sa gawain ng mga tinanggal na trabahador.
Labor-only contracting naman ang patakaran ng mga nabanggit na outsourcing companies na ang ibig sabihin ay pa­laging bago ang mga empleyado nito dahil mababa sa anim na buwan ang kontrata ng mga trabahador.
Ang mga isyung nabanggit ay matagal nang inirereklamo ng kilusang paggawa dahil bago ito ipinatupad sa PAL ay marami na ring malalaking kumpanya ang gumagawa nito dahil nga mas matipid (walang 13th month pay at Christmas bonus na babayaran) at walang sakit ng ulo sa unyon.
Kapit sa patalim naman ang nangyayari sa mga pumapayag sa labor-only contracting scheme dahil na rin sa hirap na makahanap ng trabaho na maganda ang pasahod.
Matagal na dapat nagsagawa ng reporma sa Labor Code pero dahil karamihan ng mga mambabatas ay malalaki rin na negosyante kundi man sinuportahan ng mga comprador noong eleksyon ay nananatiling “anti-labor” ang Labor Code.
Ang ibig sabihin ng pagiging “anti-labor” ay mas madalas na talo ang mga nagrereklamong manggagawa sa National Labor Relations Commission na siyang ahensyang dapat sana ay sumbungan ng mga manggagawa na inaabuso ng kanilang employer.
Pero dahil nga mga kapitalista ang may pera at impluwensya ay walang nangyayari sa reklamo ng mga manggagawa kahit pa sila ang nasa katwiran at pinapaboran ng mga probisyon sa Labor Code.
“Pressure politics” na lang ang puwedeng asahan ng mga kagaya ng sinibak na miyembro ng PALEA dahil sa ganitong lenggwahe lang sila maririnig at maiintindihan ng mga kinauukulan, kabilang na ang mga mambabatas at MalacaƱang.
Puwera na lamang kung may ibang uri ng pakikibaka na naiisip ang liderato at kasapian ng PALEA sakaling hindi makamit ang mga isinusulong na reporma sa Labor Code.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento